VILLASIS, Pangasinan- Iginawad ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang “Seal of Local Good Governance” para sa taong 2018 sa bayan ng Villasis na isinagawa noong ika-6 ng Nobyembre sa Manila Hotel.

      Ngayong taon, ang mga pamantayan upang makamit ang SGLG Award ay naging mahigpit. Ang SGLG ay ibinibigay sa lokal na pamahalaan o Local Government Unit (LGU) na may kahusayan sa maayos na pangangasiwa o pamamalakad. Katunayan, umabot ng 1,682 na bayan at lungsod ang mabusising sinuri ng komite ng SGLG, ngunit 263 lamang ang pasok sa kanilang pamantayan. Para magkamit ng prestihiyosong parangal na SGLG ay kinakailangang makapasa ang LGU sa pitong larangan: pangangasiwa sa pinansiyal (financial administration); kahandaan sa sakuna (disaster preparedness); pangangalagang panlipunan (social protection); mabuting pakikitungo sa pagnenegosyo at pakikikompetensiya (business friendliness and competitiveness); kapayapaan at kaayusan (peace and order); pangangalaga sa kalikasan (environmental protection); turismo, kultura, at sining (tourism, culture, and the arts). Kung noong nagdaang taon, ang pamantayan lamang ay ang sinasabing “4 plus 1” kung saan dapat ipasa ay ang 4 core areas na financial administration, disaster preparedness, social protection and peace and order program plus 1 sa mga sumusunod na “essential areas ng good governance”, environmental management, business friendliness and competitiveness and the promotion for tourism, culture and the arts, para sa taong ito, kailangan pumasa sa 7 areas o yung tinatawag na “all in”. Ito ang dahilang kung kayat kokonti lang ang pumasa.

     Ang parangal na SGLG ay tinanggap ni Mayor Nonato Abrenica, kasama ang mga iba pang opisyal sa bayan ng Villasis.

     Ang naturang parangal ay inihahandog ni Abrenica sa kaniyang mga kasamahan sa serbisyo publiko sa bayan na naging susi upang makamtan ang higit na maayos at progresibong bayan ng Villasis.